NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airpor ang tinatayang P41 milyong pisong halaga ng mga mapanganib na droga na isinilid na 39 inbound parcel na mula sa iba’t ibang bansa.
Natuklasan sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine Postal Corporation sa pinaigting na proteksyon sa hangganan at labanan ang smuggling matapos dumaan sa pagsusuri ng customs profiling, x-ray screening, K9 inspection, at physical examination ang mga kontrabando.
Kabilang sa mga naharang na kargamento ay mula sa limang inbound parcels mula sa India na may bigat na humigit-kumulang 4,344 gramo at tinatayang halaga na ₱29.539 milyon.
Ang 34 na nakapasok naman ay nagmula sa Estados Unidos, Espanya, Alemanya, Canada, Netherlands, at United Kingdom na naglalaman din ng iba’t ibang pinaghihinalaang mapanganib na droga.
Kabilang dito ang humigit-kumulang 5,659 gramo ng marijuana (“kush”) na may tinatayang halaga na ₱8.488 milyon, at 707 gramo ng ecstasy na may tinatayang halaga na ₱3.004 milyon.
Ang mga kargamento ay ipinadala sa mga tatanggap sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Pampanga, Cebu, Cagayan de Oro, Surigao, Antique, at iba pang bahagi ng bansa.
Ang lahat ng kumpiskadong parcels ay nasa pangangalaga na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsusuri sa laboratoryo at karagdagang imbestigasyon alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon ng customs.
Binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang matagumpay na interdiction ay sumasalamin sa mandato ng BOC na isagawa ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at pigilan ang pagpasok ng mga ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa.
