NANAWAGAN ang OFW Party List sa Department of Migrant Workers (DMW) at mga Local Government Units (LGUs) na mas agresibong palawakin ang impormasyon tungkol sa Seasonal Workers Program (SWP) sa South Korea.
Ayon kay OFW Partlist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino , hinimok niya ang paggamit ng online platforms, DMW regional offices, at news outlets upang matiyak na alam ng mga aplikante ang tamang proseso ng aplikasyon at kanilang mga karapatan bilang seasonal farm workers.
Sa town hall meeting kasama ang mga lider ng Filipino Communities sa South Korea noong Hunyo 2023, direktang narinig ni Rep. Magsino ang mga ulat ng paglabag sa karapatan ng mga seasonal farm workers. Ang SWP ay nagbibigay-daan sa mga Pilipino na magtrabaho sa mga sakahan sa South Korea sa loob ng 3 hanggang 5 buwan, alinsunod sa mga Memorandum of Understanding (MOUs) sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan.
Dahil sa panawagan ni Magsino, kasama ang Embahada ng Pilipinas sa South Korea at Migrant Workers Office, nagpalabas ang DMW ng Advisory No. 01-A to E upang ayusin ang proseso at alituntunin ng SWP. Nakasaad sa bagong guidelines na kailangang tiyakin ng mga LGU na kasama sa MOU ang maayos na kondisyon sa paggawa, makatarungang sahod, at access sa medical care para sa mga manggagawa. Ipinag-uutos din ang monitoring process, status reports, at pagsusumite ng kumpletong employment contract, pati ang undertaking ng LGU na walang kinokolektang unauthorized fees.
Binibigyang-diin din ng guidelines ang pagbabayad ng OWWA membership sa ilalim ng Seasonal Work Invitation Program for Family Members.
Ayon kay Magsino, mahalagang ipakalat ang impormasyong ito upang maiwasan ang panloloko, lalo na’t may mga naitatalang kaso kung saan nagbabayad nang malaki ang mga aplikante sa mga iligal na broker o diumano’y sa mismong LGU para sa kanilang deployment.
“Marami pa rin sa mga seasonal workers ang hindi alam ang tamang proseso at kanilang karapatan sa ilalim ng bagong DMW guidelines. Dahil dito, nabibiktima sila ng mga broker o ilang kawani ng LGUs na naniningil ng malaking halaga kapalit ng kanilang pag-alis. May mga ulat na umaabot sa mahigit isang-daang libong piso ang sinisingil sa mga aplikante ng SWP. Hindi rin nila alam ang tamang kondisyon sa trabaho, kaya’t nauuwi sila sa pang-aabuso,” paliwanag ni Magsino.
Hinikayat din nito ang mga aplikante na tiyaking lehitimo ang kanilang kontrata at bayarin sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa DMW.
Bukod sa paghahain ng House Resolution 1343 upang suriin ang SWP, patuloy na binabantayan ng #83 OFW Party List ang sistema ng recruitment at deployment upang tuluyang masugpo ang panloloko at pang-aabuso sa ilalim ng programa.
