Huli sa akto ng mga otoridad ang pamamaslang ng isang gunman sa NHA Avenue, Sitio Padilla, Brgy. San Isidro,Antipolo City nitong Huwebes.
Nabatid ni PMAJ Leopoldo B Cajipe Jr., Provincial Officer ng CIDG Rizal PFU ang suspek na si Richard Lumbab y Calago, habang ang biktima naman ay nakilalang si Alfredo Badloza y Berreuico.
Base sa ulat ng pulisya, nakarinig ng limang putok ng baril ang mga operatiba ng CIDG Rizal PFU na malapit sa kanilang opisina ng pinangyarihang pamamaril.
Agad na rumesponde ang mga operatiba at inabutang nakahandusay sa iskinita na may dalawang tama ng bala sa katawan si Badloza bandang alas-9 ng umaga .
Arestado rin ang suspek na si Lumbab habang narekober sa kanya ang ginamit na cal.38 , dalawang patalim at mobile phone.
Sa imbestigasyon kay Lumbab , binayaran lamang siya ng halagang 7,000 piso ng isang nagngangalang Jojo Cañete upang patayin ang biktima.
Pinaghahanap na ng mga otoridad ang tumakas na tinuturong mastermind sa krimen .
Sinabi ni Officer-In-Charge LtCol. Joel Manuel Ana ng CIDG RFU 4A, pinupuri niya ang mga tauhan ng CIDG Rizal dahil sa mabilis na pag responde sa pangyayari at nakapagsalba ng buhay ng iba.