MAHIGIT 100 Filipino at Chinese national ang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes sa isang raid sa umano’y “love scam” hub sa isang condominium building sa Makati City.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang pasilidad ng “love scam” ay gumagamit ng artificial intelligence (AI) upang akitin ang mga biktima sa mga online romance.
Karamihan sa mga biktima ay mula sa Europe at Middle East.
Sinabi ni Santiago na natuklasan sa rais ng mga NBI agents na ang mga scammer ay gumagamit ng AI-generated na pag-uusap at mga pekeng profile picture ng mga kaakit-akit na kababaihan upang akitin ang kanilang mga biktima na mamuhunan sa cryptocurrency.
“Sa papalapit na Araw ng mga Puso, hinihimok ko ang mga lalaki at babae na maging maingat sa paggamit ng mga dating app,” sabi ng NBI chief.
Nakakita ang mga awtoridad ng mga script sa mga desktop at mobile phone na automated para makipagpalitan ng mensahe sa mga biktima.
Nakuha rin ng mga ahente ng NBI ang mga hindi rehistradong SIMS para sa mga mobile phone.
Kabilang sa mga naaresto ang isang Chinese national na nagsilbing supervisor ng mga empleyado.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act at Cybercrime Prevention Act ang inihahanda laban sa mga naarestong suspek.
