NAGPAMAHAGI ng 2,000 sako ng bigas at P1 milyon cash aid si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol region nitong Oktubre 24.
“Ito po yung konting ambag naming ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po jan sa Bicolandia para makatulong po sa mga kababayan natin doon,” ani Tulfo sa pahayag.
Kahapon, sa utos ni Rep. Tulfo, na isa ring PCGA Auxiliary Commodore, personal na nagtungo ang kanyang chief of staff na si PCGA Auxiliary Cdr. Jerico Javier, para personal na ihatid ang P1 milyong cash at 1,000 sako ng bigas sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ipapakalat ng Coast Guard ang cash at bigas sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol region.
Samantala, nakipagunayan din ang opisina ni Tulfo at ACT-CIS partylist sa tanggapan naman ng Angat Buhay Foundation ni dating Vice President Leni Robredo para naman sa karagdagang 500 sako ng bigas.
“Asahan po ninyo na kami po sa ACT-CIS ay hindi po tumitigil sa pagtulong, ano man pong panahon, may sakuna o wala, kami po ay tuloy-tuloy na tumutulong at naghahanap ng paraan para makatulong sating kapwa Pilipino,” ayon naman sa pahayag ni Jeff Soriano ng ACT-CIS partylist.
Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipapakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabeng nasalanta ng bagyo.