
MAGIHIT P7 milyong halaga ng shabu na itinago sa vacuum cleaner at rice cooker mula Malaysia ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs-Clark, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 3 (PDEA3) sa Port of Clark sa Mabalacat, Pampanga.
Sa ulat kay BOC Port of Clark chief Jairus Reyes, ang package na ang laman ay idineklara bilang vacuum cleaner na may set ng rice cooker na ipinadala mula Kuala Lumpur, Malaysia at ipinadala kay alyas JM ng Molino, Bacoor, Cavite.
Dumating ang parcel sa FedEx Warehouse, Clark Freeport Zone sa Mabalacat.
Sa inspeksyon ng mga miyembro ng PDEA R3 Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, BOC-Port of Clark Customs Anti-Illegal Drug Task Force, PNP Aviation Security Unit 3, at PNP Drug Enforcement Group, nakuha sa vacuum cleaner ang 14 na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng hindi bababa sa 538 gramo na nakabalot sa isang brown na packaging tape.
Natagpuan sa loob ng dalawang rice cooker ang 12 plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng hindi bababa sa 574 gramo.
Nasa P7,561,000 ang halaga ng mga nasabat na ilegal na droga.
Ang mga sample ng mga nakumpiskang shabu ay isusumite sa laboratoryo ng PDEA3 para sa confirmatory test at safekeeping.
Habang patuloy ang imbestigasyon.