
NATAGPUANG patay sa butas ng basurahan sa isang liblib na lugar ang isang 73-anyos na lalaki na naiulat na nawawala sa Sitio Mamala, Bgy. Saint Francis I, Limay, Bataan.
Nakilala ng mga awtoridad ang biktima na si Ricardo Balmaceda, ng Bgy. Lati, Orion, Bataan.
Nagtamo ng mga sugat ang biktima at sunog ang katawan.
Isang kamag-anak ni Balmaceda ang nagpaalam sa Orion police na siya ay nawawala.
Tinulungan ng mga residente sa barangay ang paghahanap sa biktima hanggang sa makakita sila ng mga piraso ng damit ng matanda malapit sa isang butas ng basura sa Bgy. San Francisco.
Kinuwestiyon ang isang alyas na “Mario,” na ang bahay ay matatagpuan malapit sa butas .
Kalaunan ay inamin ni alyas “Mario” na nagkaroon siya ng mainitang pagtatalo sa biktima pagkatapos ay tinaga, sinunog at itinapon ang kanyang katawan sa hinukay na butas.
Sa ocular inspeksyon sa butas ng basura, nakita ang ilang hinihinalang labi ng tao, kaya dinala ng pulisya sa himpilan ng pulisya si alyas “Mario” at ang iba pang nasa loob ng bahay para tanungin.
Inihahanda na ang kaukulang kaso para sa pagsasampa laban sa suspek.