IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang hindi lisensiyadong manpower agency habang naaresto ang dalawang umano’y illegal recruiter sa isinagawang entrapment operation.
Ang operasyon ay ginawa matapos ipatupad ang Closure Order No. 24 na nagresulta sa pagpapasara ng opisina ng Venancia Consultancy PTY Ltd./Venancia International Manpower, Inc.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jomalyn Baya Fisher at Glydel Suyon na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa illegal recruitment.
Ayon sa salaysay ng mga biktima, siningil umano sila ng mahigit ₱300,000 bilang processing fee kapalit ng pangakong trabaho sa Poland bilang factory worker at welder.
Sa beripikasyon ng DMW, lumabas na sina Fisher at Suyon ay recruitment officers ng isang lisensyadong recruitment agency ngunit hindi ng Venancia Consultancy PTY Ltd./Venancia International Manpower, Inc.
Ginamit umano nila ang kanilang posisyon upang manloko ng mga aplikanteng naghahangad ng trabaho sa abroad.
Natukoy rin sa imbestigasyon na walang aprubadong job order para sa Poland ang naturang ahensya at wala rin itong kaukulang permit mula sa DMW upang magsagawa ng recruitment activities.
Hinihikayat ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac, kasama sina Undersecretary Bernard P. Olalia, Assistant Secretary Jerome A. Alcantara, Director Romelson Abbang, Director Eric Dollete, at Regional Director Falconi Millar ang mga aplikante at kanilang pamilya na agad iulat sa DMW o sa kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang recruitment activity upang maiwasan ang panlilinlang, pang-aabuso, at pagsasamantala sa mga nangangarap makapagtrabaho sa abroad.
