NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na bawasan ang buwis sa diesel at gasolina upang mapagaan ang patuloy na pagtaas ng gastusin ng mga motorista, driver, magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Marcos, hindi sapat ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene sa ilalim ng Executive Order No. 125 dahil mas malaki ang epekto ng mataas na presyo ng diesel at gasolina sa pang-araw-araw na kabuhayan.
“Bawasan na ang excise tax at VAT ng gasolina at diesel dahil ito ang higit na kailangan ng transport sector, mga magsasaka at mangingisda,” sabi ni Marcos.
Sinabi ng senadora na umabot sa $99.41 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, mas mataas sa $80 kada bariles na itinakdang threshold sa ilalim ng Republic Act No. 12316.
Bagama’t nagkaroon ng rollback noong Setyembre 29, nananatili sa ₱95.17 hanggang ₱96.72 kada litro ang presyo ng diesel at ₱88.78 hanggang ₱90.62 kada litro naman ang gasolina.
Dagdag sa pasanin ng mga konsyumer ang paghina ng piso, na umabot sa ₱62.62 kada dolyar.
Tinatayang aabot sa ₱12 bilyon kada buwan ang maaaring mawala sa kita ng pamahalaan kung tuluyang aalisin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Dahil dito, iminungkahi ni Marcos ang bahagyang pagbabawas sa excise tax, pagbaba ng VAT at pagbibigay ng nakatutok na fuel discount sa maliliit na konsyumer.
Ayon sa senadora, maaaring ipatupad ang fuel discount sa pamamagitan ng fuel card o voucher na nakapangalan sa benepisyaryo at may takdang buwanang limit upang matiyak na direktang mapapakinabangan ito ng mga nangangailangan.
“Hindi naman kailangang tanggalin ang buong excise tax. Bawasan na natin ito para kahit paano ay gumaan ang gastos ng mga gumagamit nito sa kanilang hanapbuhay,” ani Marcos.
Giit niya, dapat mapunta sa maliliit na konsyumer ang benepisyo ng anumang bawas-buwis at hindi sa malalaking kompanya ng langis.
“Kapag mataas ang presyo ng diesel at gasolina, lalo pang lumiit ang kakarampot na kita. Ang hiling lang ng mga driver natin ay kaunting tulong para mas malaki ang maiuwi nila sa kanilang pamilya,” dagdag niya.
