NAKATAKAS ang isang bilanggo mula sa kanyang mga pulis escorts habang dinala sa ospital sa Teresa, Rizal matapos idahilan ang paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga noong Miyerkules.
Si Ryan Lozano, 23, ang mabilis na nakatakas habang dinala sa Rizal Provincial Hospital Morong mga bandang 7 ng umaga noong Miyerkules.
Batay sa ulat na isinumite kay Police Regional Office 4A Director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, humingi umano ng tulong medikal si Lozano matapos umanong magkaruon ng masakit na dibdib at hirap sa paghinga.
Agad na dinala ng mga pulis si Lozano sa ospital ngunit pagdating sa Corazon C. Aquino Ave. sa Bgy. Prinza, Teresa, Rizal, biglang tumalon ang suspek mula sa sasakyan ng pulis at saka tumakas.
Ayon sa talaan, nahuli si Lozano noong nakaraang Oktubre dahil sa mga kaso ng droga.
Sa ngayon ay pinaghahanap na ng mga otoridad ang suspek at sa posibleng pinagtataguan nito.
