IPINAHAYAG nitong Miyerkukes ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang patuloy na hakbang ng kanilang partido upang tugunan ang mga isyu kaugnay ng balikbayan boxes.
Matagal nang kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang mga suliraning ito – mula sa pagkaantala ng mga padala hanggang sa pagkasira o pagkawala ng laman ng kanilang mga balikbayan box. Para sa maraming OFWs, ang balikbayan box ay simbolo ng kanilang pagsusumikap, pagmamahal, at sakripisyo para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, kaya’t personal at mahalaga ang solusyon sa mga problemang ito.
Ibinahagi ni Rep. Magsino sa panayam sa radyo na gumawa na siya ng mga konkretong hakbang upang lutasin ang mga isyung ito.
“Noong Oktubre 2022 pa, naghain kami ng House Resolution No. 499, na humihikayat sa naaangkop na komite ng House of Representatives na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa mga mapanlinlang na gawain ng mga pekeng international freight forwarders at kanilang mga lokal na kasabwat,” ayon Rep. Magsino.
Ang mga pekeng forwarders na ito ay matagal nang nanloloko ng mga OFW sa pamamagitan ng pag-abandona ng mga padala o hindi maayos na paghahatid ng mga ito.
Upang tugunan ito, nakipag-ugnayan din si Rep. Magsino sa Bureau of Customs (BOC).
Binigyang-diin niya na kasalukuyan nang ipinapatupad ang ilang reporma, kabilang ang pagbabago mula sa 100% intrusive inspection ng mga balikbayan boxes.
“Ipinaglaban natin na ang balikbayan box ay dumaan na lang sa scanning at K9 inspection imbes na buong manual inspection,” paliwanag ni Rep. Magsino, na ang layunin nito ay upang maiwasan ang karagdagang pagkasira at pagkaantala.
Nagbahagi rin ang kongresista ng mahalagang balita: “Ayon sa BOC nakapaglabas na sila ng 11,551 balikbayan boxes ngayong 2024 at inaayos na ang 4,969 unclaimed balikbayan boxes. Mayroon din mga abandoned balikbayan boxes na sumasailalim sa legal proceedings para sa donasyon sa DMW.”
Ayon sa kanya, ito ay resulta ng patuloy na aksyon ng kanilang partido. Subalit patuloy pa din ang pakikipag-ugnayan ng OFW Party List sa BOC sa ilang mga kaso ng balikbayan boxes na hindi pa natatanggap ng ating OFWs. Ito’y paksa ng kanyang sulat noong Setyembre 10, 2024 sa BOC.
Mariing itinanggi naman ni Rep. Magsino ang mga alegasyong hindi umano sila umaaksyon sa isyung ito: “Sa mga nagsasabing hindi kami kumikilos, iminumungkahi ko na mag-research at sundan ninyo kung ano ang ginagawa namin. Matagal na kaming nakikipag-ugnayan sa mga tamang ahensya upang masigurong tama ang proseso.”
Hinimok niya ang kanyang mga kritiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon at nanawagan siya para sa isang malinis at tapat na kampanya sa darating na eleksyon.
Maliwanag ang mensahe ni Rep. Magsino: Patuloy na tinututukan ng OFW Party List ang kapakanan ng mga OFW, lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan. Sa mga isinusulong na pagbabago upang pabilisin ang proseso ng balikbayan box at masugpo ang mga scam, tiwala si Rep. Magsino na, sa tulong ng BOC at Department of Migrant Workers, makakamit ang mga makabuluhang pagbabago para sa komunidad ng OFW.
Para sa mga OFW at kanilang mga pamilya na sabik nang matanggap ang kanilang mga padala ngayong Pasko, ang mga update ni Rep. Magsino ay nagbibigay ng kumpiyansa na ang mga balikbayan box ay darating nang buo at nasa tamang oras.
