May 21, 2024

The Insider News

Direct from the source

Jeep nahulog sa bangin , 16 sugatan

ni Denzel Lou Dagos

SUGATAN ang 15 pasahero at driver ng pampasaherong jeep na nahulog sa 100 metrong lalim na bangin sa Old zigzag road sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon alas 2:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Batay sa report ng Pagbilao police, galing sa kasalan sa kanilang kamag-anak sa bayan ng San Jose, Camarines sur ang mga biktima at papauwi na sa Dasmariñas, Cavite nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa imbestigador, nawalan ng preno ang jeep habang lumulusong sa zigzag road at nawalan ng kontrol sa manibela ang driver.

Bumangga muna ito sa road barrier subalit nagpatuloy pa rin sa pagbulusok sa bangin.

Sa kabutihang palad, wala namang naiulat na nasawi sa insidente.

Kabilang sa sugatan ang driver na si Ronnel Francia, 28 anyos na taga Barangay Tagas, San Jose, Camarines Sur.

Kabilang sa 11 sugatang pasahero ay nakilalang sina Benz Jomar Fuentes, 23; John Cedric Gardon, 15; Gina Lozano, 52; Sharmaine Corino, 26; Noli Mendoza Francia, 18; Beah Grace Camacho, 10; Anabel Camacho, Jose Camacho, Cherry Samson, Solen Samson, at Analyn Arnejo, pawang residente ng Barangay Paliparan, Dasmariñas. Samantalang ang apat pa sa mga pasahero ang hindi pa nakikilala.

Agad namang nagsagawa ng rescue opersation ang mga tauhan ng Pagbilao PNP, Pagbilao MDRRMO, Pagbilao BFP and Barangay Police of Silangan Malicboy at isiniugod ang mga sugatan sa mga ospital sa Pagbilao at sa Lucena City.