HINILING ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan Third Division na mag-inhibit si Associate Justice Ronald Moreno sa pagdinig ng kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Kinumpirma nitong Martes ng isang miyembro ng prosekusyon na naghain noong Lunes ang Office of the Special Prosecutor ng Ombudsman ng mosyon para sa inhibition ni Moreno.
Kabilang si Moreno sa dalawang mahistrado ng Third Division na bumoto pabor sa pagpiyansa ni Revilla ng ₱1 milyon para sa pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kaso.
Sa botong 2-1, pinaboran ng Third Division ang piyansa. Bukod kay Moreno, pabor din dito si Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos, habang kumontra si Third Division Chairman Associate Justice Karl Miranda.
Inihain ang mosyon ng Ombudsman matapos bumoto si Moreno pabor sa pagpapalaya kay Revilla sa pamamagitan ng piyansa.
Nahaharap ang dating senador sa kasong malversation of public funds kaugnay ng umano’y iligal na pagpapalabas ng ₱76.9 milyon para sa sinasabing “ghost” flood-control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa prosekusyon, umabot sa ₱92.8 milyon ang halaga ng proyekto at nagkaroon umano ng sabwatan sa pagpapatupad nito kapalit ng tinatayang 25 porsiyentong komisyon.
Mariin namang itinanggi ni Revilla ang mga alegasyon at iginiit na wala siyang kinalaman sa umano’y iregularidad sa proyekto.
