June 15, 2024

The Insider News

Direct from the source

Kampanya laban sa sexual harassment sa public places, inilunsad ng LTFRB

INILUNSAD ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang malawakang kampanya laban sa karahasan o gender-based sexual harassment na nararanasan sa mga pampublikong lugar at sasakyan.

Ipinakilala ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III ang Memorandum Circular No. 2023-016 na siyang tumutugon laban sa karahasan sa mga pampublikong sasakyan, alinsunod sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act.

Hindi lamang sa piling lugar nararapat isulong ang kampanya laban sa karahasan kundi maging sa lahat ng uri ng pampublikong sasakyan.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-016 o ang “Implementation of Safe Spaces Act involving Public Land Transportation Services”, mariing kinukundena at ipinagbabawal ng Ahensya ang anumang uri ng gender-based sexual harassment.

Kabilang dito ang pagmumura, catcalling, wolf-whistling, at iba pang misogynistic, transphobic, homophobic, o sexist na pahayag.

Maaaring patawan ng multa o kaukulang parusa ang sinumang lumabag sa memorandum at sa batas hinggil sa Safe Spaces Act.