ISANG kandidato sa pagka konsehal ng munisipalidad ang nakaligtas sa pananambang nitong Lunes sa Cabiao, Nueva Ecija.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen Jean Fajardo, kinilala ng Nueva Ecija police ang biktima na si Angelito dela Cruz, 67 anyos.
Ang biktima na residente ng Bgy. San Fernando Norte sa Cabiao, tumatakbong konsehal ng Cabiao.
Lumabas sa imbestigasyon na minamaneho ni dela Cruz ang kanyang sasakyan patungong Bgy. San Fernando Norte, Cabiao nang makarating sa Jose Abad Santos Ave.,nang biglang sumulpot ang dalawang lalaking sakay ng pulang motorsiklo at pinaulanan ng bala.
Nakatawag ng pansin ang mga putok ng baril sa mga tao sa lugar kaya agad na tumakas ang mga armadong lalaki.
Walang tinamong sugat ang konsehal .
Agad na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para matukoy at maaresto ang mga suspek.
