NAGBABALA nitong Miyerkules (Abril 30) si #83 OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kaugnay ng lumalaganap na mga bagong modus partikular na ang “punit passport” scheme at panibagong mga kaso ng illegal recruitment na naitala sa Bahrain.
Ayon sa ulat kamakailan ng Department of Transportation (DOTr), may mga insidente kung saan sinisira umano ng ilang tauhan ng airline o immigration ang pasaporte ng mga pasahero, paraan upang ma-offload ang pasahero sa biyaheng kinabibilangan. Dahil dito, pinipilit sila magbayad ng karagdagang halaga o hindi sila pinapayagang makalipad. Binalaan ng DOTr ang mga airline na mananagot kung mapatunayang sangkot sa ganitong gawain.
Pinaalalahanan ni Magsino ang mga pasahero, lalo na ang mga OFWs, na ingatan ang kanilang pasaporte at maging mapagmatyag sa anumang kahina-hinalang kilos ng mga tauhan sa paliparan.
“Hindi tayo dapat magpaloko at hayaang mapahamak ang ating mga kababayan. Ugaliing maging mapanuri at huwag basta-basta ipaubaya ang mga dokumento sa mga tauhan sa paliparan na hindi malinaw ang proseso,” paalala ni Magsino.
Kasabay nito, nagbabala rin ang mambabatas hinggil sa mga ulat ng illegal recruitment sa Bahrain. Ayon sa dalawang nailigtas na biktima sa Ninoy Aquino International Airport, pinapapirma umano sila ng kontratang hindi buong naunawaan at pinangakuan ng trabaho sa Bahrain. Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na iniimbestigahan na nila ang sindikato na nagpapadala ng mga Pilipino sa Bahrain para sa mababang sahod at malabong kontrata.
Bilang Chairperson ng Anti-Trafficking OFW Movement at Observer sa Inter-agency Council Against Trafficking (IACAT), muling iginiit ni Magsino ang kahalagahan ng kanyang inihaing House Bill 7865: An Act Providing for An Anti-Illegal Recruitment Law of The Philippines and For Other Purposes, And Appropriating Funds Therefor (House Bill 7865). Layunin nitong pagsamahin sa isang batas ang mga probisyon laban sa illegal recruitment at human trafficking, pataasin ang parusa sa mga mapanlinlang na ahensya, at palakasin ang kakayahan ng mga awtoridad sa pamamagitan ng koordinasyon sa mga dayuhang counterpart sa gitna ng mas malawak na operasyon ng mga sindikato.
“Nais kong tiyakin sa bawat OFW na hindi palalagpasin ng #83 OFW Party List ang ganitong mga abuso. Sa aking pamumuno, agad tayong maghahain ng mga resolusyon upang imbestigahan ang mga kasong ito at patuloy nating isusulong ang pananagutan ng mga sangkot,” giit ni Magsino.
