SINAGOT ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor ang mga batikos na kanyang natatanggap matapos niyang ilantad ang umano’y mga anomalya sa ilang proyekto ng pamahalaan sa lalawigan.
Iginiit ni Dolor na hindi siya titigil sa pagbubunyag ng katiwalian sa kabila ng mga akusasyon laban sa kanya.
“Bakit tila masama na ang pagbubunyag sa korupsyon? Sa mga nagdaang linggo ng pagbubunyag natin ng mga anomalyang Flood Control Projects sa lalawigan, bakit tila ako pa ang masama?” tanong ni Dolor sa kanyang social media post.
Ayon sa gobernador, tinatawag siyang “feeling artista,” “takaw air-time,” at “pasikat” ng kanyang mga kritiko.
Mayroon pa raw nagsasabi na ginagawa niya ito dahil gusto niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Kailan ma’y hindi tayo nagbanggit ng kahit sino, pero bakit tila may natatamaan?” dagdag niya.
“Lantaran na tayong niloloko ng mga contractor at mga tao sa likod nila. Bilyon-bilyong salapi ng buwis ng mamamayan ang nilulustay nila ng harap-harapan. Bakit tayo mananahimik?”
Nilinaw ni Dolor na ang isyung ito ay hindi tungkol sa pulitika, kundi isyu ng bayan na dapat malaman ng bawat mamamayan.
Aniya, ang mga buwis na ibinabayad ng mga Mindoreño ay dapat mapunta sa kapakinabangan ng publiko, at hindi sa bulsa ng mga tiwali.
Panata ng gobernador na patuloy siyang magiging boses ng mamamayan laban sa korapsyon at katiwalian.
