
INARESTO ng mga anti-illegal drugs operatives nitong Miyerkules ang mag-asawa habang nasamsam ang mahigit P5-milyong halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa Bamban, Tarlac.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo, sinabi ng Tarlac police na nahuli sina alyas “Roger,” 42; at alyas “Queen,” 40, kapwa ng Poblacion, Mabalacat City, Pampanga.
Isinagawa ng mga ahente ng Intelligence/Station Drug Enforcement Unit ng Bamban police ang buy-bust operation sa mga suspek sa Sitio Mano, Bgy. Anupul, Bamban, Tarlac.
Nakumpiska ang siyam na piraso ng ice plastic knot-tied at isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na may bigat na 859 gramo na nagkakahalaga ng P5,888,120; isang timbangan; isang cellular phone; isang itim na supot; isang itim na Mitsubishi pick-up na may plate number ZNN 175; ang marked at boodle money; at sari-saring identification card.
Nakakulong ngayon ang mga naarestong mag-asawa sa Bamban Police Station jail facility na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.