PATAY ang isang mangingisda matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang kainuman habang natutulog kasunod ng mainitang pagtatalo sa Barangay Binogawan, San Policarpo, Eastern Samar, nitong Sabado ng hapon, Oktubre 3, 2026.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Rod,” isang biyudo at residente ng naturang bayan.
Samantala, kinilala naman ang suspek na si “Lito,” 61, biyudo at magsasaka, na residente rin ng San Policarpo.
Batay sa ulat ng San Policarpo Municipal Police Station, nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang dalawa pang indibidwal nang mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang kuwentuhan.
Makalipas ang ilang sandali, humupa umano ang tensiyon at natuloy ang kanilang pag-inom.
Ngunit nang makatulog ang biktima, nilapitan umano siya ng suspek at ilang ulit na sinaksak sa dibdib.
Agad na isinugod ang biktima sa San Policarpo Rural Health Unit, ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, mabilis na rumesponde ang mga pulis sa bahay ng suspek matapos siyang positibong ituro ng isang saksi.
Narekober sa lugar ang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Dinala ang suspek at ang nakumpiskang armas sa San Policarpo Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong dahilan at pinagmulan ng pananaksak.
