ISANG 29-anyos na Pinay na napatay sa isang pag-atake ng missile sa Haifa, Israel, noong Linggo ng gabi sa gitna ng patuloy na labanan sa Middle East.
Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa social media post nitong Martes ang lubos na pakikiramay at sa pamilya ng nasawi sa missile attack sa Haifa, Israel.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na magbigay ng tulong sa naulilang pamilya at tiyakin ang kaagad na pagpapauwi sa labi ng biktima.
Tiniyak din ni Marcos na ang Embahada ng Pilipinas sa Israel ay nakahanda na magbigay ng lahat ng kinakailangang tulong at patuloy na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon, kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa mga lugar na may kaguluhan ay nananatiling pangunahing prayoridad.
Sa ngayon, libu-libong Pilipino mula sa Gitnang Silangan ang napauwi sa pamamagitan ng mas matinding pagsisikap ng gobyerno.
Bukod sa repatriation efforts, pinangunahan ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Bayanihan Para Sa Balikbayang Manggagawa: A National Reintegration Network (NRN) Fair and Job Fair sa Quezon City noong Lunes, na naglalayong magbigay ng suporta sa mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga pamilya.
Ayon sa DMW, ang hakbang na ito ay kasunod ng utos ni Pangulong Marcos na tiyaking ang bawat OFW na nakabalik sa bansa ay makakabuo muli ng kanilang buhay nang produktibo kasama ang kanilang mga pamilya, nang walang Pilipinong mapabayaan o maiiwan.
