
MULING nanawagan si Senador Win Gatchalian na pabilisin ang hybridization ng mga off-grid na lugar upang maprotektahan ang mga mamimili mula sa pandaigdigang presyo ng langis.
“Mahalaga para sa pamahalaan na maisaayos ang isang mas mabilis na hybridization ng mga off-grid na lugar upang bigyang-daan ang small power utilities group (SPUG) na makapagbigay ng abot-kayang singil sa kuryente para sa kapakinabangan ng mga mamimili,” sabi ni Gatchalian.
Ang panawagan ng mambabatas ay kasunod ng mungkahi ng National Power Corp. (NPC) na muling itaas ang singil sa kuryente sa mga off-grid na lugar sa gitna ng tumataas na presyo ng krudo. Ito ay maaaring magresulta sa mas mataas na rate ng kuryente na P9.7068 kada kilowatt-hour (kWh) o 17.54% na pagtaas kumpara sa kasalukuyang rate.
Binigyang-diin ni Gatchalian na habang nakatuon na ang NPC sa hybridization at pag-iwas sa pagbili ng mga bagong diesel generator set, mahalagang pabilisin ang hybridization ng mga off-grid areas. Ayon sa NPC, ang hybridization ay inaasahang magreresulta sa pagtitipid mula P0.75 hanggang P1/kWh.
Bunga ng panukala ng NPC, sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nakatakda itong magsagawa ng mga pagdinig upang suriin ang iminumungkahi ng NPC na bagong subsidized approved generation rates (SAGR) para sa 13 SPUG areas.
Kasunod ng naunang desisyon ng ERC, tumaas na ang singil sa kuryente sa mga off-grid areas mula P6.2553 kada kWh hanggang P8.2582 kada kWh simula ngayong Enero.
Makakatulong ang hybridization na matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya sa mga lugar na hindi konektado sa grid at maalis ang bansa mula sa pagiging dependent nito sa imported na gasolina, giit ni Gatchalian. “Mahalaga ang hybridization upang madagdagan ang dami ng renewable energy upang matiyak ang energy efficiency at energy security,” dagdag niya.
“Kailangan nating mapigilan ang muling pagtaas sa presyo ng kuryente sa mga lugar na hindi konektado sa grid, lalo na’t marami dito ay mahihirap na komunidad,” paalala ng senador.
Tinatayang 281 ang pinapatakbong diesel-fired SPUG power plants ng NPC sa buong bansa.