SANTA CRUZ, LAGUNA — AABOT sa mahigit 50 na poste ng kuryente ang tatanggalin sa kalsada at ililipat ng lugar na nagiging sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko sa bayan ng Los Baños .
Agad na ipinag-utos ni Laguna Governor Sol Aragones sa pamunuan ng MERALCO, Department of Public Works and Highways, at mga lokal na pamahalaan ang pagpapa-alis makaraan nitong personal na mag-ikot sa naturang lugar kung saan nakahambalang ang mga poste sa isang linya ng kalsada.
Aniya, ito ang isa sa mga dahilan, “Hindi dapat naaabala ang mga motorista dahil lamang sa mga poste. Dapat mas maging maayos ang koordinasyon ng DPWH at LGU sa lalawigan bago magsagawa ng road-widening projects upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon,” pahayag ng gobernador.

Ayon pa kay Aragones, ang kalayaan ng daloy ng trapiko ay hindi lamang usapin ng kaginhawahan kundi isang mahalagang bahagi ng epektibong serbisyo publiko at pagpapaunlad ng ekonomiya sa lalawigan.
Agad namang inaksyunan ni Los Baños Mayor Neil Nocon , Meralco at DPWH ang pag-sasaayos ng mga posteng nakaharang sa mga makitid na lansangan na nagdudulot ng matinding trapiko sa ilang bahagi ng lalawigan .
