MATAGUMPAY ang isinagawang simulteanous anti-carnapping operations na nagresulta sa pagkakakumpiska ng ilang sasakyan sa Laguna at Rizal na sangkot sa “Rent-Tangay, Rent-Sangla-Benta/Bawi” scheme sa pamamagitan ng Regional Highway Patrol Unit 4A sa ilalim ng pamumuno ni regional chief Col. Rommel Estolano.
Sinabi ni Estolano na noong Disyembre 3, 2023, sina PCMS Melvin Carran, PSSg Francis Fernando, Pat Renz Andaya ng Mobile Patrol Section; PCpl. Ian Nuestro ng Investigation Section; at Pat. Mark Edward Lituaña ng Operation Section ay nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng isang Toyota Vios (NGY1235) at isang Montero Sports Utility Vehicle (NDE4966) na sangkot sa rent-tangay scheme sa Cabuyao City, Laguna.
Sa isinagawang anti-carnapping operation noong Disyembre 27 na pinangunahan ni Lt. Arvin Ramos ng Investigation and Intelligence Section, nagsagawa ng follow-up operation si PMSg Jim Russel Almonte at PCpl Ian Nuestro na nagresulta sa pagkakakumpiska ng isang Toyota Vios na may plakang DAQ9683 na pag-aari ni Ryan Joseph R. Landicho.
Ayon kay Estolano, noong Nobyembre 28, 2023, inirenta ni Arlene Ballesteros ang isang Toyota Vios na may plakang DBF4282, pag-aari ni Joey Salomon, para sa limang araw at dapat ibalik sa Disyembre 3, 2023. Gayunpaman, hindi ito naibalik ni Ballesteros sa itinakdang petsa kaya naman humingi ng tulong sa pulisya ang biktima.
Noong Enero 2, 2024, naman personal na dumulog si Christian Mateo, isang mag-aaral sa 725 J. Sumulong St., Brgy. San Juan, Morong Rizal, sa HPG Calabarzon office at nagsumite ng reklamo laban kay Josh Villa o kilala bilang “Danney Rey M Ruiz” ng Brgy Talipapa, QC. Agad na isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon upang mabawi ang sasakyan.
Ayon sa HPG-Calabarzon, lahat ng narekober na sasakyan ay kasalukuyang nasa pansamantalang pangangalaga ng RHPU4A, sa pahintulot ng mga may-ari nito.
Inirerekomenda sa mga biktima na makipag-ugnayan sa yunit upang simulan ang nararapat na legal na aksyon laban sa mga suspek.
Ang mga may-ari ng rehistradong sasakyan ay inabisuhan din na maghanda ng kinakailangang dokumento para sa mabilis na paglabas ng kanilang sasakyan mula sa impounding area ng yunit.
Ayon kay Estolano, madaling narekober ng pulisya ang nasabing mga sasakyan sa tulong ng GPS tracking device.
Bilang paalala, inirerekomenda ng opisyal ng HPG na ang mga sektor ng negosyo na kasangkot sa pagrenta ng sasakyan ay maglagay ng tracking device upang ma-monitor ang kanilang sasakyan ng real-time.
Idinagdag ni Estolano na ang matagumpay na pagmamalasakit sa mga sasakyan ay isang makabuluhang tagumpay ng RHPU4A, isang patunay sa pagmamahal ng yunit sa pagpapatupad ng masusing anti-carnapping operation.
