IBINASURA ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na pagpapa-inhibit kay Associate Justice Karl Miranda, na tanging mahistradong tumutol sa kanyang petisyon para sa piyansa kaugnay ng kasong malversation.
Sa resolusyong may petsang Setyembre 24, sinabi ng anti-graft court na walang sapat na batayan ang ikalawang mosyon ni Revilla para pigilan si Miranda na lumahok sa paglilitis sa kaso ng dating senador at anim nitong kapwa akusado.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y ghost flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon.
Ayon sa Third Division, walang merito ang mosyon ni Revilla kaya dapat ipagpatuloy ni Miranda ang kanyang tungkulin bilang mahistrado sa naturang kaso.
Iginigiit ni Revilla na dapat mag-inhibit si Miranda dahil kapatid nito si Atty. Buenaventura Miranda, abogado ng state witness at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon pa kay Revilla, labis umanong umasa si Miranda sa testimonya ni Bernardo at nagpakita na ng pagkiling laban sa kanya bago bumoto upang tanggihan ang kanyang aplikasyon para sa piyansa.
Kinumpirma naman ng korte na magkapatid sina Justice Miranda at Atty. Buenaventura Miranda.
Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na hindi sapat ang naturang relasyon upang magsilbing malinaw at kapani-paniwalang patunay na may pagkiling o pagtatangi si Justice Miranda laban kay Revilla.
Muling binanggit ng Third Division ang nauna nitong resolusyon noong Pebrero 10 kung saan ibinasura rin nito ang unang mosyon ni Revilla para sa pagpapa-inhibit kay Miranda.
Ipinaliwanag ng korte na si Bernardo ay hindi partido sa kaso kundi isang testigo lamang, habang ang prosekusyon—at hindi si Atty. Miranda—ang nagharap sa kanya bilang saksi.
Kinuwestiyon din ni Revilla ang pag-asa umano ni Miranda sa testimonya ni Bernardo, na ayon sa kanya ay kulang sa corroborating evidence, nang ilabas ng mahistrado ang kanyang hiwalay na opinyon sa pagtanggi sa kanyang aplikasyon para sa piyansa.
Ngunit sinabi ng Sandiganbayan na bukod sa testimonya ni Bernardo, tinukoy rin sa separate opinion ni Miranda ang mga pahayag ng iba pang saksi at iba pang dokumentaryong ebidensiya ng prosekusyon.
Binigyang-diin ng korte na ang isang desisyong hindi pabor sa isang partido ay hindi, sa sarili lamang nito, sapat na patunay ng pagkiling o pagtatangi ng isang mahistrado na maaaring maging batayan ng kanyang pagpapa-inhibit.
