INATASAN ni PANGULONG Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules na gibain ang kontrobersyal na “Mt. Kamuning” footbridge sa Quezon City at palitan ito ng mas ligtas, mas madaling mapuntahan ng mga tatawid na pedestrian .
Matagal nang binabatikos ang footbridge dahil sa pagiging hindi naa-access, partikular sa mga senior citizen at persons with disability (PWD).
“Ang tingin ko talaga sa saloobin ni Pangulo ay hindi naman talaga dapat ganito ang ginagawa natin para sa mga kababayan natin lalo na ‘yung mga road user at commuter,” ani ni DOTr Secretary Vince Dizon.
“Sinabi sa akin ng Pangulo, ‘we have to tear it down and build a better one.’ And I think that is really the essence of what he wants to do,” dagdag ni Dizon.
Tiniyak ng Transportation chief sa publiko na mabilis na kikilos ang gobyerno para sundin ang direktiba ng Pangulo.
“Malinaw naman ang utos ng Pangulo na gawing mas convenient ang facilities natin para sa pedestrians at commuters. At ‘yan ang gagawin natin, sisiguruhin natin na ‘yung ipapalit sa overpass ay mas madali para sa mga kakabayan natin,” ani Dizon.
Ayon kay Dizon, ang bagong footbridge ay itatayo sa mas mababang elevation, magtatampok ng mga elevator, at direktang konektado sa GMA-Kamuning EDSA Busway station.
Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ngayong taon.
