May 27, 2024

The Insider News

Direct from the source

Municipal administrator ng Marilao, Bulacan inambush

Ni Alex Dela Cruz

Nakaligtas kanina sa pananambang ang municipal administrator ng Marilao ,Bulacan

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Wilfredo Diaz, 54-anyos na tumatayong municipal administrator ng bayan kung saan naganap ang pananambang. Sa paunang ulat, sakay ng kanyang Mitsubishi Montero patungo sa kanyang tanggapan sa munisipyo ang biktima nang biglang sumulpot sa harapang bahagi ng kanyang sasakyan ang isang armadong lalaki sakay ng motorsiklong Honda Wave dakong alas 7:45 ng umaga.

Salaysay pa ni Diaz, sunod-sunod na putok ang agad ipinukol ng hindi pa nakikilalang salarin. Ilang sandali pa, mabilis umanong tumakas ang suspek sa direksyon patungong San Jose del Monte.

Nang humupa ang sunod-sunod na putok, saka pa lang nalaman ni Diaz na wala siya ni galos man lang sa naturang pananambang. Dali-dali rin aniya siyang pumunta sa munsipyo para dumulog sa pulisyang nakahimpil sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, tadtad ng bala ang sasakyan ng biktima. Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang walong basyo ng balang mula sa isang kalibre 45. Patuloy naman ang pagsisiyasat ng pulisya sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng salarin.