NAKAPAGTALA ng dalawang steam-driven o phreatic na pagputok sa bulkang Taal na naiulat ng Taal Volcano Main Crater Observation Station mula 8:50 AM hanggang 9:12 AM at 9:09 AM hanggang 9:12 kaninang umaga, ayon sa patuloy na pagbabantay ng CALABARZON Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Emergency Operations Center sa kalagayan ng bulkang Taal, base na rin sa pakikipag-ugnayan sa Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS).
Ang aktibidades ng bulkan ay nakapagtala ng 350 metro taas ng singaw ng usok na napadpad sa Kanluran-Timog Kanluran at Timog Kanluran.
Base sa mga kaganapang ito na naitala sa Bulkang Taal, nilinaw ng DOST-PHILVOLCS na nasa Alert Level 1 pa rin ang kalagayan ng bulkan at ang mga nasabing aktibidades na naiulat ay karaniwan at inaasahan bunsod na rin sa kasalukuyang estado ng nasabing bulkan.
Kaugnay nito, nagpalabas ng mensahe ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng Early Alert and Warning System (EAWS) upang mapaalalahanan ang publiko sa sitwasyon at aktibidades ng Bulkang Taal. Ang nasabing EAWS ay natanggap ng mga komunidad na naninirahan sa paligid ng bulkan at sa mga kalapit probinsya nito.
Ang paalalang ito ay nagnanais lamang na magpabatid sa general public sa sitwasyon ng bulkan at upang hindi magdulot ng alarma, pangamba at maiwasan ang paglabas ng mga “inconsistent” na informasyon kaugnay sa bulkang Taal. Inaasahan na kalakip ng panawagang ito ay ang pagpapataas ng antas ng kahandaan ng mga pamayanan at ng ating Local Government Units sa panganib na dulot ng pagputok ng bulkan.
Muli, sa pamamagitan ng informasyong ito, walang inaasahang paglikas sa mga lugar na malapit sa bulkan bagkus, muling nagpapaalala ang RDRRMC CALABARZON sa ating mga kababayan na patuloy na maging handa at makinig sa atas ng awtoridad sa kani-kanilang mga bayan. Ang ating mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office ay patuloy na nakaantabay at nagmo-monitor sa kani-kanilang mga Area of Responsibility (AOR).
Patuloy po tayong maging mapagmatyag, handa at alerto at manatiling nakatutok sa mga anunsyo mula sa ating Lokal na Pamahalaan at sa ating mga surveillance at science-based agency.
Kalakip ng post na ito ay ang inilabas na Taal Volcano Advisory ng DOST-PHIVOLCS ngayong araw, 20 Abril 2024, 11:00 AM. Sa kasalukuyan, makikita sa mga larawan na kuha sa ibat-ibang bahagi ng Probinsya ng Batangas, mula sa Brgy. Busobuso at Bugaan East sa Laurel, San Nicolas, Agoncillo Batangas at Tagaytay City sa Probinsya ng Cavite ang kalagayan ng Bulkang Taal. OCD
