NAAALARMA ang Tacloban Airport matapos mabisto sa backpack ng isang 59-anyos na negosyante ang isang magazine at 30 bala ng .45-caliber na baril.
Agad na inaresto ang suspek na kinilala sa alyas na “Mak,” residente ng Barangay Copocawayan, Sto. Niño, Samar, matapos siyang maharang sa Central Security Screening Checkpoint ng Daniel Z. Romualdez Airport nitong Biyernes ng gabi.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 8 (PRO 8), dakong 7:15 p.m. nang mapansin ng X-ray operator ang kahina-hinalang laman ng backpack ng pasahero.
Pauwi umano sa Maynila si Mak nang isailalim sa karagdagang inspeksyon ang kanyang bag.
Sa isinagawang manual inspection sa presensya ng mga pulis, saksi at mismong pasahero, tumambad ang isang magazine at 30 live rounds ng .45-caliber ammunition.
Agad siyang inaresto at dinala sa Airport Police Station para sa verification at profiling.
Tinutukoy ngayon ng mga awtoridad kung saan nagmula ang mga bala at kung may legal na awtoridad ang suspek na magmay-ari o magdala ng mga ito.
Hinilingan umano si Mak na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay sa legalidad ng kanyang pagmamay-ari o pagdadala ng bala, ngunit wala siyang naipakitang kinakailangang papeles.
Sinusuri ng pulisya ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nananatili sa kustodiya ng Airport Police Station ang suspek habang kinokolekta ng mga imbestigador ang karagdagang ebidensiya at inihahanda ang kaukulang reklamo laban sa kanya.
