LALO pang lumobo sa mahigit P366.65 milyon ang halaga ng nakumpiskang hinihinalang high-end marijuana o “kush” matapos makarekober ng Bureau of Customs (BOC) ang karagdagang 123.91 kilo ng ilegal na droga mula sa isang yate sa Subic Bay Freeport Zone.
Aabot na sa 198 pakete o mahigit 222 kilo ng hinihinalang kush ang nakumpiska ng mga awtoridad matapos ang panibagong inspeksyon sa naturang sailing yacht nitong Sabado, Setyembre 5.
Sa pagpapatuloy ng stripping at pagsusuri sa yate, natagpuan ng BOC-Port of Subic ang 109 karagdagang pakete ng hinihinalang kush na tinatayang nagkakahalaga ng P204.44 milyon sa street value.
Unang nakumpiska sa yate ang 98.332 kilo ng hinihinalang kush na tinatayang nagkakahalaga ng P162.2 milyon.
Dahil sa bagong pagkakasamsam, umakyat sa P366.65 milyon ang kabuuang tinatayang street value ng drogang narekober mula sa yate.
Nagsimula ang operasyon matapos sumilong ang yate sa Subic Bay Yacht Club noong Setyembre 2 dahil sa masamang panahon at pangangailangan nitong magsagawa ng pagkukumpuni.
Batay sa imbestigasyon, sakay ng yate ang mga tripulanteng Thai at Malaysian at nagmula ito sa Kota Kinabalu, Malaysia. Patungo sana ito sa Taiwan nang mapilitang huminto sa Subic dahil sa sama ng panahon.
Isinagawa ang operasyon ng BOC sa pakikipagtulungan ng Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department, Philippine Coast Guard, Philippine Drug Enforcement Agency, Department of Justice at iba pang law enforcement agencies.
Patuloy ang masusing inspeksyon sa yate upang matiyak na wala nang iba pang nakatagong kontrabando o ilegal na kargamento.
Samantala, isinasailalim na sa inventory at turnover sa PDEA ang mga nakumpiskang pakete para sa kaukulang disposisyon at karagdagang pagsusuri.
Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy kung saan nagmula ang malaking bulto ng hinihinalang droga at kung sinu-sino ang nasa likod ng tangkang pagpapasok nito sa bansa.
