February 24, 2024

Notoryus lider ng crime group, nalambat ng CIDG 4-A

Ni Cy Quilo

Camp Vicente Lim – Pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group- Regional Field Unit 4A (CALABARZON) ang isang linggong pinag-ibayong anti-criminality operations mula Enero 25 hanggang 31 ngayong taon.

Ayon kay CIDG RFU4A regional chief Col. Marlon Santos , nagresulta ang operasyon sa pagkakasakote ng isang notoryus  na lider ng isang crime group na nag-ooperate sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas , Rizal at Quezon) region.

Huli rin ang anim pang miyembro mula sa iba’t ibang grupo.

Nagsagawa rin ng 18  operasyon laban sa mga ilegal na baril kung saan 14  ang hinainan ng search warrants na nagresulta sa pagkakaaresto ng 18  katao , habang 7 sa kanila ay boluntaryong sumuko.

Dalawampu’t siyam na armas ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Matagumpay rin ang operasyon sa  pag-aresto sa 17 wanted persons kabilang na ang tatlong most wanted sa regional level , anim sa provincial level  at apat sa municipal level.

Dagdag pa ni Santos , sa  kampanya laban sa ilegal na sugal, 71  ang naaresto kung saan 10 sa kanila ang kinasuhan na ng mga awtoridad.

Maging sa pagpapatupad sa umiiral na batas upang maging ligtas at payapa ang mamamayan sa Calabarzon, 12 katao ang arestado habang 5 naman ang kinasuhan matapos ang isinagawang imbestigasyon.