
SINALAKAY ang bodega ng isang Koreanong negosyante na naglalaman ng halos P 1,107,300.00 na expired na mga kape at ibat-ibang inumin ng pinagsanib pwersa ng Regional Special Operations Team (RSOT) ng CIDG Regional Field Unit 3 at CIDG Bulacan Provincial Field Unit at mga territorial police unit sa K-Steel Industrial Park, Barangay Tiaong, Guiguinto, Bulacan.
Agad naman naaresto ang tatlong suspek – kabilang sina alyas Kim, ang Koreanong may-ari, at dalawang Pilipinong empleyado na sina Glen at Manuel.
Kumpiskado ang 28 boxes ng assorted Maxim coffee, 367 boxes ng Ice Talk beverages, at mga bote ng expired na Narangd cider, na may kabuuang tinatayang halaga na PhP 1,107,300.00 habang nangangalakal at namamahagi ng mga imported na produkto mula Korea na hindi nakarehistro sa Food and Drug Administration at Certificate of Product Registration (CPR).
Binigyang-diin ni PMGen Torre III na ang mga produktong pagkain na ito ay hindi dumaan sa proseso ng pagsusuri ng FDA, hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan nito at mahaharap ang mga suspek sa kasong criminal sa paglabag sa Section 11 of RA 3720, as amended by Section 10 of RA 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) in relation to Section 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) para sa maling pamamahagi at pagbebenta ng unregistered food products, sa mga physical store at online transactions, ang siyang kakaharapin ng mga suspek sa National Prosecutor’s Service.