KUMPISKADO ang nasa P1 milyong halaga ng pekeng Cocomelon candies sa isinagawang raid ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang warehouse sa Tondo, Maynila.
Nasamsam nitong Lunes ang mga pekeng kendi sa bisa ng search warrant laban sa MBK Distribution Inc. sa Tondo.
Nakumpiska sa operasyon ang 111 kahon ng Cocomelon Tattoo Gum at 200 kahon ng Cocomelon Long Mallows.
Ayon sa NBI, inilunsad ang raid kasunod ng reklamong inihain ng Orion Support Inc. (OSI) sa ngalan ng kliyente nitong Treasure Studios Inc., ang rehistradong may-ari ng Cocomelon.
Agad namang nagsagawa ng surveillance ang mga ahente ng NBI at matapos makumpirma ang ipinagbabawal na operasyon ay nakakuha ito ng search warrant mula sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 24.
Inihanda na ang mga isasampa sa may-ari ng MBK Distribution sa kasong paglabag sa Section 155 na may kaugnayan sa Section 170 ng Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines ayon sa NBI.
