NAG-alok ang kamara ng P1-milyong pabuya para sa makakapagbigay ng impormasyon kay “Mary Grace Piattos,” ang pangalang lumulutang sa mga kahina-hinalang dokumento ng liquidation na nauugnay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 na pondo ng gobyerno ni Vice President Sara Duterte.
Nananawagan sa isinagawang pressconference ngayong araw ng Lunses sina Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales at Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng tulong sa publiko upang matukoy si Piattos.
Sinabi ni Khonghun , “Kami sa Blue Ribbon Committee at Quad Committee, aming binibigyan ng importansya na kailangan dumating ‘yung mga ipinatawag natin, lalong-lalo na pati ‘yung mga pumirma sa acknowledgment receipts,” .
“Kaya nag-usap-usap kami, nagboluntaryo, na magbibigay kami ng pabuya na P1 milyon sa sinumang makakapagsabi o makakapagbigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos,” dagdag pa ni Khonghun.
Si Mary Grace Piattos, na kahawig ng pinagsamang sikat na restaurant at isang lokal na snack brand ang nakakuha ng pansin sa publiko dahil umano’y may pinakamalaking bahaging natanggap na confidential fund na ibinigay ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.
Tinitingnan din ng mga mambabatas ang isyu bilang isang seryosong bagay na may pananagutan si Piattos.
“Si Mary Grace Piattos kasi ‘yung may pinakamalaking nakuha dun eh,” Khonghun said. “We want to set an example, we want to know the truth. Kasi it follows na ‘pag wala si Mary Grace Piattos, sigurado halos lahat ng tao na nandun is fictitious na.”
Nakasentro ang kontrobersya sa 158 acknowledgement receipts na nakalakip sa liquidation reports na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA). Hinala ng mga mambabatas, gawa-gawa lamang o nagmamadaling inihanda ang mga resibo para bigyang-katwiran ang P125 milyon na confidential fund na ginastos umano sa loob lamang ng 11 araw.
Inihambing ni Khonghun ang bilis ng pag liquidate ng pork barrel scam ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
“Ang pondo ay nagastos ng 11 days, mas mabilis pa sabi nga natin kung si Napoles, 60 days niya nagastos ‘yung pondo, ito 11 days lang.” sabi pa ni Khonghun
Napagtanto ni Ortega ang mga paulit-ulit na gawa-gawang pangalan at paulit-ulit na sulat-kamay sa mga resibo.
“Napakadami na pong imbitasyon lalo na sa mga sumusunod sa ating mga pagdinig. We’ve been lenient enough na bigay ng imbitasyon, may orders na for the resource person. It’s about time they attend and explain ang mga anomalya na nangyayari,” sabi ni Ortega .
Sa ngayon ang House Blue Ribbon Committee, nakilala na Committee on Good Government and Public Accountability, ay nag-iimbestiga kung paano pinangasiwaan ng OVP at Department of Education ang kabuuang P612.5 milyon na confidential fund sa buong 2022 at 2023 sa panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente at Education Secretary.
Kaya naman ang mga mambabatas ay naglaan ng P1-milyong pabuya upang maresolba ang isyu at matiyak na magkaroon ng pananagutan sa paggasta ng gobyerno.
“Kung sino ang makakapagturo para malaman natin kung sino ang makakatukoy ng pagkatao ni Mary Grace Piattos at matutulungan tayo na maiharap siya sa pandinig kasi gusto naming malaman kung may katotohanan ba ‘yung katauhan ni Mary Grace Piattos,” ayon pa kay Khonghun .
Ang pagsisiyasat ay ipagpapatuloy ng mga mambabatas at determinadong palabasin ang katotohanan at ibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.