NASABAT ng mga awtoridad ang mahigit P10 milyong halaga ng shabu na idineklara bilang vinyl window mula California, USA noong Lunes sa UPS Cargo Area, Clark Freeport Zone sa Clarkfield, Pampanga.
Ang parcel,na idineklara bilang “black vinyl window na gawa sa PVC,” ay naglalaman ng PVC window frame, na ang bawat side frame ng aluminum bar nito ay naglalaman ng shabu, na may timbang na hindi bababa sa 1,498 gramo na nagkakahalaga ng P10,186,400.
Ayon sa Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CRK-IADITG), ang parsela ay ipinadala ng isang Richard King ng Roger Windows and Door Manufacturing, na may address sa 10464 Alondra Blvd., Bellflower, California, USA.
Ang package ay na kay James Padilla Lopez, ng Blk-4 Lot-24, Casimiro Westville Homes, Phase 4, Ligas 2, Bacoor, Cavite.
Agad na nagsagawa ng imbentaryo ang Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark, Clark Freeport Zone, Clarkfield, Pampanga.
Sa imbestigasyon dumaan sa x-ray machine ang parcel at natuklasan ng Customs examiner na naglalaman ang parcel ng hinihinalang iligal na droga at agad itong ipinaalam sa CRK-IADITG at saka ginamit ang K9 anti-narcotics detection dog.
Kinuha ng mga awtoridad ang mga sample ng iligal na droga at sa pagsusuri ay nagbunga ng positibong resulta para sa methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ang natitirang mga sample ay dinala sa laboratoryo ng PDEA para sa confirmatory examination at dinala sa BOC .
