ISINUGOD sa ospital ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy noong Sabado dahil sa pneumonia, ayon ito sa kumpirmasyon ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Martes.
Sinabi ni BJMP spokesperson Supt. Jayrex Bustinera, nagreklamo si Quiboloy ng hirap sa paghinga habang nakakulong sa Pasig City Jail.
Ang pinuno ng KOJC ay inihatid ng mga tauhan ng BJMP Pasig City Jail Dormitory sa pinakamalapit na ospital ng gobyerno.
Inirekomenda ng mga doktor sa Rizal Medical Center (RMC) si Quiboloy matapos itong ma-diagnose na may community-acquired pneumonia ngunit pinayuhan ang paglipat nito sa isang ospital na may mas advanced na mga pasilidad.
“Ang inisyal na diagnosis ng ospital ay community acquired pneumonia,” sabi ni Bustinera.
Kasunod ng payo ng doktor sa paglipat ni Quiboloy sa ibang ospital, tiniyak ni Bustinera sa publiko na si Quiboloy ay nananatili sa kustodiya ng BJMP at mahigpit na seguridad ang nakalagay habang naka-confine sa ospital.
Nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail habang nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking case sa Pasig Regional Trial Court Branch 159.
Kinasuhan din ang pinuno ng KOJC ng paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Noong Nobyembre 2024, inilipat si Quiboloy sa Pasig City Jail mula sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.
