TINATAYANG ₱150 milyon halaga ng marijuana ang pinuksa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa operasyon sa Tinglayan, Kalinga nitong Miyerkules, Agosto 12.
Aabot sa 750,000 fully grown marijuana plants ang binunot sa may 50,000-square-meter communal forest sa Barangay Loccong.
Pinangunahan ang operasyon ng Kalinga Provincial Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, mga lokal na police station, mobile force units at PDEA Kalinga.
Agad na sinira at winasak sa lugar ang mga binunot na halaman matapos idokumento, habang kumuha naman ng samples para sa pagsusuri at tamang disposisyon.
Ayon sa PNP, layunin ng operasyon na putulin ang suplay ng ilegal na droga sa pinagmumulan nito at pigilan itong makarating sa mga komunidad.
Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na mahalaga ang tuloy-tuloy na operasyon at koordinasyon ng mga ahensya para mapuksa ang marijuana cultivation.
“Malaking bagay ang ganitong operation because we are able to address the problem where it starts,” ani Nartatez.
Patuloy umano ang PNP at mga katuwang na ahensya sa pagtukoy at pagsugpo sa mga lugar na ginagamit sa pagtatanim ng marijuana, habang tinitiyak ang pagsunod sa due process at karapatan ng lahat ng sangkot.
