UMABOT sa mahigit ₱18.5 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nasabat ng pulisya sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Pampanga, Iloilo at Batangas noong Setyembre 2.
Kabuuang 2.7 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP), habang lima ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon.
Pinakamalaki ang nakumpiska sa UPS Cargo Area sa Clark Freeport Zone, Mabalacat City, Pampanga, kung saan nasabat ang isang parcel na naglalaman ng tinatayang 1,573 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱10.69 milyon.
Sa Iloilo City, apat na suspek ang bumagsak sa operasyon sa Barangay Igcocong, La Paz. Nakumpiska sa kanila ang nasa 152 gramo ng shabu na tinatayang ₱1.03 milyon ang halaga.
Samantala, isang suspek ang nadakip sa buy-bust operation sa Barangay Balagtas, Batangas City, kung saan nakumpiska ang tinatayang 1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱6.8 milyon.
Isang suspek sa operasyon sa Iloilo ang nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Isinailalim na sa wastong kustodiya ang lahat ng nakumpiskang droga para sa pagsusuri at disposisyon. Ihahain naman ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.
Ayon kay Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon at mabilis na pagkilos ng mga awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Iginiit ni Nartatez na hindi lamang dami ng nakukumpiskang droga ang mahalaga kundi ang pagtiyak na maayos, legal at naaayon sa proseso ang bawat operasyon.
Bahagi ang mga operasyon ng patuloy na kampanya ng PNP kontra ilegal na droga sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) at intelligence-driven law enforcement efforts.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga katuwang na ahensya at lokal na komunidad upang putulin ang galaw ng sindikato ng droga habang pinangangalagaan ang due process at karapatan ng mga sangkot.
