MANILA — WALO umanong Filipino na nasangkot sa isang kaso sa Yakutsk, Russia ang ligtas nang nakabalik sa Pilipinas matapos kumilos ang Philippine Embassy sa Moscow para mapabilis ang kanilang pagpapalaya at repatriation.
Dumating sa Maynila ang walong Pinoy noong Setyembre 2, 2026, matapos makumpleto ang mga kinakailangang proseso sa Russia.
Ayon sa Philippine Embassy, tuloy-tuloy ang koordinasyon nito sa mga awtoridad ng Russia upang maresolba agad ang usapin at maisaayos ang pag-uwi ng mga Filipino.
Bago sila pinayagang makaalis, personal na sinuri ng Embassy personnel ang kanilang kalagayan at binigyan sila ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
Tinulungan din sila ng Embahada sa paliparan bago bumiyahe patungong Pilipinas.
Nakipag-ugnayan ang Embassy sa Migrant Workers Office (MWO) Berlin para matiyak na may nakahandang suporta sa kanilang pagdating sa bansa.
Paglapag sa Maynila, agad namang umalalay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang ang airport assistance, suporta sa kanilang pag-uwi at tulong sa muling pag-aayos ng kanilang buhay.
Nagpasalamat ang Embahada sa MWO Berlin at OWWA sa naging papel ng mga ito sa ligtas na pagbabalik ng walong Filipino.
Kasabay nito, nagpaalala ang Embahada sa mga Pinoy na huwag basta maniwala sa mga alok na trabaho sa abroad, lalo na kung dumaraan sa mga ilegal o hindi awtorisadong recruiter.
Pinayuhan ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na dumaan lamang sa lehitimong recruitment at employment procedures upang makaiwas sa panloloko, pagsasamantala at iba pang panganib.
Tiniyak ng Philippine Embassy sa Moscow na patuloy nitong tututukan ang kapakanan ng mga Filipino at magbibigay ng kinakailangang tulong konsulado sa Russian Federation.
