ARESTADO ang isang umano’y high-value drug suspect matapos makumpiska sa kanya ang tinatayang ₱20.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Mercedes nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Biik,” 30, residente ng Barangay Gata, Talipao, Sulu.
Ayon sa mga awtoridad, itinuturing siyang kabilang sa mga pangunahing target sa illegal drug trade sa Zamboanga Peninsula (Region 9).
Pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit 9 (RDEU-9), kasama ang iba pang law enforcement units, ang operasyon sa Calle Real bandang alas-3:55 ng hapon.
Naaresto ang suspek matapos umanong makipagtransaksiyon sa isang undercover police operative.
Tatlong heat-sealed transparent plastic packs na naglalaman ng tinatayang 3 kilo ng hinihinalang shabu ang narekober, na may tinatayang street value na ₱20.4 milyon.
Dinala ang mga nakumpiskang substance sa Regional Forensic Unit 9 para sa qualitative at quantitative examination upang matukoy ang aktuwal na laman at timbang.
Nasa kustodiya na ng Zamboanga City Police Station 4 ang suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
