MAKAKATANGGAP ng maagang Pamaskong regalo na PhP5,000 ang mga kuwalipikadong kawani ng pamahalaan matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Productivity Enhancement Incentive (PEI) para sa Fiscal Year 2025, ayon sa Malacañang.
Ito’y bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, propesyunalismo at sa mahalagang papel sa paglilingkod-bayan.
“Maagang Pamasko po sa mga kawani ng pamahalaan. Bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mahusay na paglilingkod sa bayan, propesyonalismo at sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kawani ng gobyerno, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagbibigay ng PEI para sa mga kawani ng pamahalaan,” sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing nitong Biyernes.
Sinabi ni Castro na kinumpirma ng circular ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapatuloy ng PEI bilang pagkilala sa serbisyo at propesyonalismo ng mga kawani ng pamahalaan.
“Ayon kay DBM Acting Secretary Rolly Toledo, makakatanggap ng PhP5,000 ang bawat kuwalipikadong kawani ng pamahalaan,” sabi ni Castro.
Saklaw ng PEI ang mga sibilyang empleyado ng national government agencies, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations o GOCCs sa ilalim ng DBM, local government units, local water districts, at mga military at uniformed personnel.
Sa pag-apruba ng incentive, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkilala sa sakripisyo ng mga kawani ng gobyerno sa paghahatid ng serbisyong publiko, at iginiit na ang kanilang kapakanan ay nananatiling pangunahing haligi sa Bagong Pilipinas agenda.
“Ang nasabing hakbang ng Pangulo ay pagpapakita lamang ng tuluy-tuloy na suporta ng Marcos administration sa pagpapataas ng productivity at morale ng government employees,” sinabi ni Castro.
“Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na nararapat lang na bigyan ng importansiya ang mga kawani ng pamahalaan na walang-sawang naglilingkod at nagiging katuwang para maihatid ang pangangailangan ng taumbayan. Dahil sa Bagong Pilipinas, mahalaga ang kapakanan ng mga lingkod-bayan,” dagdag pa ni Castro.
