
KUMPISKADO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P816 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa mga parcel mula California, USA sa isang operasyon sa Pasig City.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, ang pagkakakumpiska ng nasa 120 kilo ng shabu sa Pasig City ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga.
Pinangunahan ng PDEA–National Capital Region Eastern District Office ang operasyon, sa pakikipagtulungan ng Southern District Office, PDEA-Airport Interdiction Unit K-9 Unit, Eastern Police District, District Drug Enforcement Unit, at Pasig City Police Station.
Sinabi ni Nerez na itinago ang mga iligal na droga sa loob ng iba’t ibang chip box na ipinadala mula California at naka-address sa maraming consignee sa Taguig, Pasig at Makati.
Ang mga nasabat na ilegal na droga ay ipinasa sa laboratoryo ng PDEA para sa confirmatory analysis.