BINATIKOS ng isang mambabatas na miyembro ng prosecution team ang depensa ni Vice President Sara Z. Duterte dahil umano sa pagtutuon nito sa maliliit na gastusin gaya ng bayarin sa restaurant at pagbili ng sapatos, sa halip na sagutin ang daan-daang milyong pisong kuwestiyonableng yaman na ibinabato sa bise presidente.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, tila mas pinagkakaabalahan ng kampo ni Duterte na palabasing mapagbigay ang kanyang asawang si lawyer Manases “Mans” Carpio kaysa sagutin ang mabibigat na ebidensiyang pinansyal na iniharap ng prosecution team.
“Pinagtatakpan po nila ‘yung issue ng malaki na bilyon-bilyon, daang-daang milyon na issue para po mapagtakpan ‘yung mga totoong isyu na hinahanap natin,” ani Chua sa isang post-trial press briefing.
Dagdag pa niya, tila sinusubukan ng depensa na makuha ang simpatya ng publiko sa halip na harapin ang mga alegasyon laban sa bise presidente.
Kinuwestiyon ni Chua kung bakit nagharap ang depensa ng mga testigo upang ipaliwanag ang restaurant bill na nagkakahalaga ng P205,007.29 sa Tokyo, Japan, at ang pagbili ng Nike shoes na nagkakahalaga naman ng P256,882.50 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang dalawang transaksiyon ay nagkakahalaga lamang ng kabuuang P461,889.79 o katumbas ng 0.06 porsiyento ng P817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman na natukoy ni forensic accounting expert Alexander Cabrera.
Sa halip na maliliit na gastusin, iginiit ni Chua na dapat sagutin ng depensa ang mas malalaking kuwestiyonableng transaksiyon na nakapaloob sa financial records.
Binanggit din niya ang testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura hinggil sa tinatayang P4.4 bilyong iniulat na transaksiyong pinansyal na kinasasangkutan nina Duterte at Carpio.
Tinukoy rin ni Chua ang pagsusuri ni Cabrera na naglantad umano ng P817.87 milyon hanggang P1.5 bilyong hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang ari-arian mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Chua, nananatiling hindi nasasagot ng depensa ang daan-daang milyong pisong transaksiyon sa bangko.
Samantala, sinabi rin ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na wala pang isang porsiyento ng P817 milyon ang halaga ng mga gastusing ipinaliwanag ng mga testigo ng depensa.
Hinamon niya ang kampo ni Duterte na sagutin mismo ang malaking halaga ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Iniharap ng depensa sina lawyer Anel Martin Antero upang ipaliwanag ang restaurant bill at si Chadrin Parian naman upang magbigay-linaw sa pagbili ni Carpio ng Nike shoes sa panahon ng isang basketball tournament para sa mga bata.
Sinabi naman ni House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na ang depensa mismo ang pumili sa dalawang transaksiyon bilang paksa ng testimonya ng kanilang mga saksi.
Ayon kay Tolosa, sinabi ni Antero na nag-ambagan umano ang mga kasabay kumain upang bayaran ang restaurant bill. Gayunman, wala itong naipakitang resibo o iba pang dokumentong magpapatunay na nagbayad o nag-reimburse ang mga ito kay Carpio.
Binanggit din ni Adiong na hinimok pa umano ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri ang magkabilang panig na talakayin ang mas malalaking natuklasan sa ulat ni Cabrera.
Gayunman, bigo umanong makapagbigay ng malinaw na paliwanag ang depensa hinggil sa mga naturang alegasyon.
Patuloy na naglalahad ng ebidensiya ang kampo ni Duterte kaugnay ng Article II, ang natatanging natitirang impeachment charge laban sa bise presidente na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
