Ipinamalas ng mga cultural performer ang mga tradisyonal na sayaw na sumasalamin sa kultura ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa pagbubukas ng International Media Center para sa 49th ASEAN Summit sa Pasay City noong Nobyembre 13.
PORMAL nang binuksan ng Pilipinas nitong Huwebes, Nobyembre 13, ang International Media Center (IMC) bilang paghahanda sa pagdating ng mga lider ng Southeast Asia at iba pang world leaders para sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre 15 hanggang 17.
Pinangunahan nina Tourism Secretary Dita Angara-Mathay at Presidential Communications Office (PCO) Director General Helen De Vega ang pagbubukas ng pasilidad na magsisilbing himpilan ng mga lokal at dayuhang mamamahayag na magbabalita sa mahalagang pagtitipon.
Inaasahang magiging sentro ng talakayan ng mga lider ang mga usapin sa seguridad, ekonomiya at iba pang problemang kinakaharap ng rehiyon at buong mundo.
Kabilang sa mga pangunahing isyung tatalakayin ang krisis sa Myanmar, paglaganap ng transnational crime, online scams na bumibiktima sa mga migrant worker, transboundary haze, at seguridad sa pagkain at enerhiya.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), pag-uusapan din ng mga lider ang sitwasyon sa Myanmar at ang mga hakbang upang maisulong ang kapayapaan sa kabila ng mabagal na pagpapatupad ng Five-Point Consensus ng ASEAN.
Tatalakayin din ang pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya, kabilang ang pagpapabilis sa pagpapatupad ng ASEAN Petroleum Security Agreement upang matiyak ang matatag na suplay ng langis sa rehiyon.
Nakatakdang magpulong ang mga foreign affairs minister sa Nobyembre 14 bago ang opisyal na summit ng mga lider sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Inaasahan ding darating sa Nobyembre 17 si US President Donald Trump para sa ASEAN-US Special Summit at bilateral meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod kay Trump, nakatakda ring makipagpulong si Marcos sa mga lider ng Australia, Japan, South Korea at India, gayundin kay United Nations Secretary-General António Guterres.
Samantala, nasa 20,000 pulis ang ipinakalat ng mga awtoridad upang tiyakin ang seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng summit at maiwasan ang anumang aberya.
Idineklara rin ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila upang maibsan ang matinding trapiko at mapadali ang operasyon ng seguridad.
Sinimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tig-₱10,000 ayuda sa mga vendor na pansamantalang maaapektuhan ang kabuhayan dahil sa mga restriksiyong ipatutupad sa summit.
Gaganapin ang 49th ASEAN Summit sa temang “Navigating Our Future,” na naglalayong palakasin ang pagkakaisa at kooperasyon ng mga bansa sa Southeast Asia sa harap ng lumalaking hamon sa rehiyon.
