NASABAT ng mga awtoridad ang dalawang South African national na nagtangkang magpuslit sa bansa ng humigit-kumulang P97.8 milyong halaga ng shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naaresto ang suspek ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group sa international arrival area ng Terminal 3 bandang ala-1 ng madaling araw nitong Biyernes.
Nakuha mula sa mga suspek ang 14 kg ng shabu na nagkakahalaga ng P97.8 milyon na nakatago sa kanilang mga bagahe, kasama ang mga mobile phone, travel documents, at identification card.
Natunton sa arrival area nang ma-scan sa arrival area ng isang Customs X-ray inspector ang mga kahina-hinalang bagay.
Matapos sumailalim sa K-9 inspection, positbo ang bagahe sa pagkakaroon ng mga droga loob.
Sa sumunod na physical examination, nakumpirma na ang crystalline substance o shabu ang nakita sa loob ng bagahe.
Dumating sa Pilipinas ang mga suspek sa pamamagitan ng Emirates Airline mula Johannesburg, South Africa, na may connecting flight mula Dubai, United Arab Emirates.
Ayon sa mga suspek, na-engganyo sila ng kaibigang Nigerian mula sa South Africa na may all-expense-paid na paglalakbay patungong Maynila, kung saan inutusan silang makipagkita sa isa pang Nigerian pagdating nila.
Dinala sa PDEA ang mga nasabat na droga para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong dayuhan.
