
SAMPUNG milyong pisong pabuya ang inaalok ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa pagdakip ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy.
May P1 milyon din na pabuya para sa bawat isa sa limang kasama niya sa mga kaso ng krimen.
Sa isang press conference noong Lunes, Hulyo 8, inanunsyo ni DILG Secretary Benhur Abalos ang pag-aalok ng P10 milyong pabuya.
Sinabi niya na ibibigay ang pabuya sa sinumang magbibigay ng impormasyon na magdadala sa pag-aresto kay Quiboloy, na kinasasangkutan ng mga alegasyon ng pang-aabuso sa mga bata, pang-exploit, at human trafficking.
“Gusto ko pong ipaalam sa mga nanonood at nakikinig na may mga kaibigan tayo na gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nag-o-offer ng reward na 10 milyong piso para sa anumang impormasyon na makakatulong sa pag-aresto kay Pastor Quiboloy,” ani Abalos.
Idinagdag pa ni Abalos na may kabuuang P5 milyon o P1 milyon bawat isa na pabuya para sa pag-aresto ng mga kasamahan ni Quiboloy na sina Cresente C. Canada, Paulene C. Canada, Ingrid C. Canada, Sylvia C. Cemañes, at Jackilyn W. Roy.
“Isa pong milyon bawat isa para kay Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Jackelyn Roy, at Sylvia Cemañes,” dagdag ni Abalos.
Naipasa ang warrant of arrest laban kay Quiboloy at limang iba pa ng Korte sa Davao City noong Abril 3, 2024, dahil sa alegasyong paglabag sa Anti-Child Abuse Law.
noong Abril 11, naglabas din ng warrant of arrest ang isang Korte sa Pasig City laban sa tinaguriang “appointed son of God” dahil sa qualified human trafficking, isang non-bailable offense.