KINUWESTYON ni Sen. Idol Raffy Tulfo kung saan ginagamit ng MMDA ang kanilang mga hagad dahil hindi niya nakikita kahit isa man nito na nagbabantay sa kahabaan ng EDSA para tumugis sa mga traffic violators.
Sa budget deliberations ng Committee on Finance noong November 7, sinabi ng MMDA na ang kanilang 108 na mga motorsiklo ay ginagamit daw sa motorcycle riding academy na ikinagulat ni Sen. Idol dahil “dapat ang mga ito ay ginagamit ng kanilang mga traffic enforcer sa pagbabantay at pagsasaayos sa traffic pati na sa pagtugis sa mga pasaway na motorista. At hindi para sa pagte-train ng sinumang tao na gustong matutong magmaneho ng motorsiklo.”
Ngunit bumawi naman ang MMDA at bwelta nila, na mayroon naman daw silang mga motorcycle units na ginagamit pangresponde sa mga emergency at meron ding nakakalat daw sa iba’t-ibang lansangan ng Metro Manila na ginagamit ng mga traffic enforcer.
Ngunit nagpursigi si Sen. Idol sa pagtatanong at hinanap niya kung saang partikular na lugar o mga kalye makikita ang mga traffic enforcers na gamit ang mga nasabing motor – dito nahirapan at nagkautal-utal sa pagsagot ang MMDA.
Saad ni Sen. Tulfo, “may napapansin nga akong mga MMDA enforcer na nagmamando ng traffic sa mga kalsada at may mga nakaparadang motorsiklo sa tabi nila ngunit ang mga ito ay mukhang kanilang mga personal service.”
“Ang gusto ko kasing malaman ay kung nasaan na ang kanilang mga big bike dahil ni minsan ay hindi ko nakita ang mga itong ginagamit para sa pagtugis halimbawa ng mga pasaway na motorista o yung mga tumatakas na mga violators sa EDSA busway.
“May napapansin ako na mga hagad nila na ginagamit na pang-escort ng civilian VIPs at pagsama sa personal events ng mga pribadong indibidwal,” dagdag pa niya.
Sinita rin ni Sen. Raffy kung bakit walang ginagamit na bodycam ang kanilang mga enforcer sa paninita ng mga traffic violators para maiwasan ang pangongotong o ang mapagbintangan na sila ay nangotong kahit hindi naman.
Sabi ng MMDA, meron naman daw silang 100 traffic enforcers na may bodycam. Dito sinupalpal ni Sen. Idol ang MMDA dahil wala naman siyang napapansin na mga traffic enforcers na naninita at may suot na bodycam.
Nangako ang MMDA na aayusin na nila ang sistema ng tamang paggamit ng kanilang mga motorsiklo at pagsiguro na ang lahat ng mga naninitang traffic enforcers ay may suot ng bodycam. At magbibigay din daw sila ng mga listahan sa Senate Finance Committee kung saang mga lugar at kalsada madedeploy ang kanilang mga motorcycle units at mga traffic enforcers na may suot ng bodycam.