
NAGPAHAYAG ng galit si Senador Alan Peter Cayetano nitong Biyernes sa desisyon ng Lungsod ng Makati na pagkaitan ang 10 EMBO (Enlisted Men’s Barrio) ng maayos na paglipat sa Lungsod ng Taguig.
Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre niya ng mga naka-padlock na fire station sa mga naturang barangay na aniya ay maaaring nauwi sa trahedya noong panahon ng kapaskuhan at bagong taon.
Sa isang Facebook Live sa kanyang official page, sinabi ni Cayetano na ang pagkandado ng fire stations ay utos ni City of Makati Mayor Abby Binay sa kabila ng nauna na nitong sinabi na ang kanyang lungsod ay susunod sa desisyon ng Korte Suprema na naglagay sa 10 EMBO sa ilalim ng Lungsod ng Taguig.
Ayon kay Cayetano, bukod sa mga fire station, isinara na rin ng Makati ang mga health center, paaralan, at police station sa mga EMBO.
“Mukhang sa lipunan natin nawawala na y’ung tama is tama and mali is mali. The issue is that the people of Taguig were put in grave danger n’ung Christmas Eve until now because kinandado ang mga fire station sa EMBO. Napa kadelikado ang nangyari na inabandona ng BFP (Bureau of Fire Protection) ang mga fire station sa EMBO barangays,” sabi ng senador.
Sinabi ni Cayetano na natuklasan niya ang bagay na ito noong araw ng Bagong Taon nang bumisita sila ng kanyang asawang si City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa mga istasyon ng pulis ng Barangay West Rembo at Comembo.
“First day of the year na bumalik ang mga EMBO sa Taguig after decades. Inimbita kami ni Lani sa West Rembo and Comembo at nag-boodle fight kasama ang mga police. Pagtingin namin, sa same compound, nakakandado ang fire station,” sabi niya.
Ayon kay Cayetano, ibig sabihin nito ay noong December 31, sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon, “nakakandado na pala ang mga fire station.”
“Wala tayong kamalay-malay at alam naman po natin na red alert kapag December 31 dahil napakaraming gumagamit ng mga paputok,” galit niyang idinagdag.
Nilapitan din aniya siya ng isang residente na nagsabing may namatay sa kanila dahil sa kakulangan ng mga tauhan at health facilities.
“May magulang na pumunta sa amin na may namatay sa kanila dahil 45 minutes naghihintay ng ambulansya. Wala daw driver ng ambulansya ng barangay,” wika niya.
Ayon sa senador, tinawagan niya ang Director of Bureau of Fire hinggil dito ngunit wala siyang napala. Aniya, nalaman niya na ang pagkakandado ng mga fire station ay utos ni Makati Mayor Abby Binay.
“Ipinangako ng director that afternoon na tatanggalin ang kandado at papapasukin na ang BFP ng Taguig. Pagkacheck ko kanina (Friday), wala pa rin. Kahapon nag meeting sila sa City Hall ng Makati. When I talked to (DILG) Secretary Benhur (Abalos) earlier, sabi daw ni Mayor Abby, sila daw may-ari nung fire stations,” paliwanag niya.
“Hindi acceptable sa akin iyan. We are a nation of laws, not of people. Hindi naman porke’t sinabi ng mayor na sa kanya iyan, siya na ang matutupad,” dagdag niya.
Sinabi niya na malinaw na ang desisyon ng Korte Suprema. “Very clear na lahat ng isyu ng pagmamay-ari ay pag-uusapan. Kung sa Makati, babayaran. Kung hindi, pag dedesisyunan pa. Pero dapat hindi maantala ang public service,” sabi ng senador.
Nagpapasalamat na lang si Cayetano na walang nangyaring aksidente noong Bagong Taon. “Thank God walang sunog na nangyari, walang namatay at nasunugan na property.”
Hamon sa Makati gov’t, DOH, BFP
Upang resolbahin ang isyu, hinamon ni Cayetano si Mayor Binay na isipin ang mga residente ng EMBO na sinasabing mahal na mahal niya.
“You keep saying na mahal na mahal mo ang mga taga EMBO. Then why are you allowing them to suffer? Don’t let them suffer. You put them in danger by padlocking the fire stations and putting their health in danger by closing the health centers,” sabi niya kay Binay.
Hinamon din niya si Health Secretary Teddy Herbosa na aniya’y nagbago ang isip sa pagtugon sa mga isyu ng health center sa mga EMBO dahil sa takot na mademanda.
“Man up. Gawin mo trabaho mo sa Department of Health,” sabi ni Cayetano.
Samantala, pinasalamatan niya si Abalos sa pagtiyak sa maayos na paglipat ng mga pulis mula Makati hanggang Taguig, at sa pangakong aalisin ang mga kandado sa EMBO fire stations.
“I’d like to thank Sec. Benhur, although spirited ang aming pag-uusap kanina, y’ung promise niya na this (padlocked fire stations) will be resolved within the hour. I am very very disgusted and upset with the BFP and I promise all of you that I will get to the bottom of this. Hindi pa tapos itong issue na ito, but thank you Sec. Abalos for finding a solution here,” wika niya.
Sa pagtatapos ng kanyang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na dapat unahin ang serbisyo publiko bago ang pulitika.
“Hindi tungkol sa politika ito kundi public service. Bati-bati tayo ng ‘Happy New Year’ sa lahat tapos ikakandado ninyo ang health center, fire stations, pati mga basketball courts…Kung ano ang mga facilities sa EMBO ay gagamitin para sa kanila, hindi bebenta o pagkakakitaan ‘yan. Hindi isasara, gagamitin para sa kanila,” sabi ng senador.
“God created the government to do good and prevent evil. Evil ang sunog, kapag hindi ginamot ang tao, at kapag hindi ipinaaral ang mga tao. Stop the people who are preventing that,” dagdag niya.