IPINANAWAGAN si Senadora Loren Legarda sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agarang manguna sa pagbuo ng isang malinaw na reporma bilang tugon sa muling pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng International Trade Union Confederation (ITUC) bilang isa sa ‘Worst Countries for Workers’ sa ikasiyam na sunod na taon.
“Hindi ito dapat balewalain. Ang ating pandaigdigang reputasyon sa usapin ng karapatan ng mga manggagawa ay salamin ng ating domestic realities,” pahayag ni Legarda.
“Ang mga manggagawa ang backbone ng ating ekonomiya, at ang patuloy na babala mula sa mga pandaigdigang tagapagbantay ay nangangahulugang marami pa tayong kailangang punan sa ating mga institusyon,” dagdag niya.
Tinukoy sa ITUC Global Rights Index 2025 ang laganap na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa at ang patuloy na karahasan, banta, at panunupil sa mga unyon sa Pilipinas.
Hinimok ni Legarda ang DOLE na magsagawa ng sistematikong pagsusuri, kasama ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan, upang matukoy ang mga kakulangan sa karapatan sa paggawa na binigyang-diin sa ulat ng ITUC. Kailangan din aniyang tukuyin kung aling mga ahensya ang may pinakamabisang mandato upang tugunan ang mga partikular na isyu, maging ito man ay sa pagpapatupad, proteksyon, mekanismo ng reklamo, o legal na reporma.
Binigyang-diin din ni Legarda na ang patuloy na red-tagging at paninira sa lehitimong kilusang paggawa ay hindi dapat gamiting dahilan upang supilin ang karapatang magpahayag at sama-samang pagkilos, dahil ito ay sumisira sa mga demokratikong mekanismo at nagpapalalim ng kawalan ng tiwala. Hiniling niya sa DOLE na magsumite agad sa Kongreso ng malinaw na listahan ng mga prayoridad sa reporma, na may tiyak na mga hakbang at iskedyul, upang masuportahan ito sa pamamagitan ng batas at pondo.
Binigyang-diin din ni Legarda na tungkulin ng pamahalaan na pangunahan at bigyang-anyo ang isang inklusibong diyalogo ukol sa reporma sa paggawa.
“Dapat aktibong makipag-ugnayan ang DOLE sa kilusang paggawa at itulak ang mga usapin patungo sa mahahalagang polisiya. Sa pamamagitan ng tunay na diyalogo natin mahuhubog ang mga repormang nakaangkla sa realidad ng mga manggagawa,” aniya.
Noong 2017, pinangunahan ni Legarda ang pag-apruba ng Senado sa ILO Convention 151, bilang patunay ng kanyang suporta sa pagpapalawak ng proteksyon sa paggawa hindi lamang para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, kundi pati na rin sa mahigit 2.3 milyong manggagawa sa pampublikong sektor. Sa pag-sponsor ng panukala, layunin niyang matiyak na may pantay na karapatan ang mga kawani ng pamahalaan sa pagbubuo ng unyon, pakikipagkasunduan sa mga employer, at pagkakaroon ng makatarungang kondisyon sa trabaho–mga karapatang matagal nang tinatamasa sa pribadong sektor.
Matagal na ring isinusulong ni Legarda ang mga batas na nagpapataas ng antas ng pamumuhay ng mga manggagawa at nagsusulong ng inklusibong kaunlaran. Ilan sa kanyang mga pangunahing batas ay ang Magna Carta of the Poor (RA 11291), na kinikilala ang karapatan sa trabaho at kabuhayan; Expanded Maternity Leave Law (RA 11210), na nagbibigay ng 105 araw na bayad na maternity leave sa mga ina; at Green Jobs Act (RA 10771), na lumilikha ng mga oportunidad sa pagitan ng disenteng trabaho at pangangalaga sa kalikasan.
“Hindi natin maaaring hayaang lumipas ang panibagong taon dahil may utang tayong proteksyon at dignidad sa bawat manggagawang Pilipino,” pagtatapos ni Legarda.
