
Isinusulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang paggamit ng hybrid na palay sa pamamagitan ng pagtatatag ng DA-4A Farm and Fisheries and Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng mga Provincial Hybrid Rice Cluster sa rehiyon.
Ang hybrid na palay ay produkto ng pagsasama ng lahi ng dalawang klase ng halamang-palay na makakatulong upang mapataas ang ani at mas maging matibay ang resistensya nito sa mga damo, sakit, at insekto.
Sa pagkakaroon ng mga Provincial Hybrid Rice Cluster, sila ang inaasahang magiging modelo ng mga magsasaka sa isang lugar na magpapakita ng angkop na demonstrasyon sa paggamit ng hybrid na palay sa produksyon at proseso sa pamamahala ng lupa.
Kaugnay nito, sinimulan ng DA-4A F2C2 ang oryentasyon para sa Balagbag-Pinagbayanan Cluster mula sa San Juan, Batangas. Sila ang bagong Provincial Hybrid Rice Cluster sa taong 2023 na susubok ng nasabing teknolohiya at sasailalim sa ilang serye ng pagsasanay sa pagiging entrepreneur.
Dito ay patuloy na sinusunod ang pangunahing layunin ng F2C2 na hikayatin ang mga magsasaka na magkaroon ng pagkakapare-pareho sa pamamaraan mula sa produksyon, pagmementena, pag-aani, pagpoproseso, at pagbebenta sa merkado.
Ayon kay G. Fernando Mindanao ng Masaganang Magsasaka ng Talahiban Uno at Dos, malaking tulong ang teknolohiyang hybrid kung saan gumamit sila ng mga barayting NSIC Rc486H o mas kilalang LongPing 534 at NSIC Rc234H (Syngenta NK5017). Mula sa apat na metriko toneladang ani ng palay kada ektarya ay umabot ito sa mahigit pito.
Samantala, sa tatlong Provincial Hybrid Rice Cluster sa rehiyon ng CALABARZON sa kasalukuyan ay target ng DA-4A F2C2 na madagdagan pa ito ng tatlo ngayong taon. Sa mga susunod na buwan ay magpapatuloy din ang pagmonitor, pagkuha ng impormasyon sa produksyon, at pag-organisa ng pagsasanay para sa kanila.