
INILUNSAD ng Department of Health (DOH) ang kanilang tulong para sa Pamahalaang Lungsod ng Baguio sa pamamahala at pag-kontrol ng mga kaso ng diarrhea sa lugar.
Ito ay matapos ideklara ni Mayor Benjamin Magalong ng Baguio ang outbreak ng sakit noong Miyerkules.
Ayon sa DOH, sa pamamagitan ng kanilang Epidemiology Bureau, nagsimula ang pagtaas ng mga kaso ng diarrhea noong Disyembre 21, 2023, batay sa Baguio City Health Office.
Base sa ulat mula sa Center for Health Development-Cordillera Administrative Region may kabuuang 308 kaso ng diarrhea mula Disyembre 21, 2023, hanggang Enero 7, 2024.
Humigit-kumulang 11 sa mga kaso na ito ang na-admit sa mga ospital. Ang mga tinamaan ng sakit ay edad mula sa 3 buwan hanggang 92 taon. Wala namang naitalang mga namatay.